Pahayag ng Pasasalamat

March 9, 2022


Magandang araw po.

Una po sa lahat ay taos puso akong nagpapasalamat sa mga tumulong at kumilos para sa aking paglaya. Sa mga kasama ko sa Defend Jobs Philippines, Free Our Unionists, Kilusang Mayo Uno at sa iba pang mga lider manggagawa. Sa mga alyadong mga organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan Metro Manila. Sa KARAPATAN at KAPATID kapwa sa National Office at Metro Manila Chapter.

Gayundin sa aking mahuhusay at matatapang na mga abogado—kay Atty. Katherine Panguban at Atty. Jun Oliva at sa mga makabayang abogado sa National Union of People’s Lawyer (NUPL), Public Interest Law Center (PILC) at Pro-Labor Legal Assistance Center (PLACE)—na walang tigil na nagtatanggol sa mga katulad kong aktibista na biktima ng human rights violations. Sa Commision on Human Rights na simulat sapul ay sumuporta at sumubaybay sa kaso ng Human Rights Day 7. Kasama sila sa sumundo sa akin kagabi sa aking paglaya.

Kay Judge Jose G. Paneda ng Quezon City RTC Branch 220 dahil sa pagpanig sa hustisya at katotohanan at naway dumami pa ang tulad mong hukom na magproprotekta sa batayang karapatan ng mga mamamayan.

Sa mga kapwa ko political detainees sa Metro Manila District Jail Annex 4 sa Camp Bagong Diwa.

At sa aking kabiyak na si Diane Zapata at ang aming pamilya.

Marami pong salamat!

Ako po ay inaresto noong December 10, 2020 sa mismong araw ng Pandaigdigang Karapatang Pantao at kahapon Marso 8 ay lumaya naman sa araw ng International Working Women’s Day.

Makabuluhan ang parehong araw na ito para sa mga mamamayang patuloy na naninindigan para sa mga demokratikong karapatan at kagalingan sa pamamagitan ng makatwirang paglaban.

Ang aking paglaya ay resulta ng maagap at walang humpay na kilos-protesta mula sa Camp Karingal, Camp Crame hanggang sa Camp Bagong Diwa. Malaking tulong din ang mga hakbangin ng Commission on Human Rights sa ilalim noon ni Commissioner Chito Gascon.

Gayundin ang pagdagsa ng suporta sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at maging sa ibang bansa.

Ang malawak na suporta na ito ay nagbigay sa amin ng lakas ng loob at determinasyon para magpatuloy.

Patuloy kaming nananawagan na palayain din ang mga kapwa ko lider organisador ng mga manggagawa na kasabay kong inaresto noong madaling araw ng December 10, 2020 sa pamamagitan ng mga kwestyonableng search warrant na inisyu ni QC Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert. Nananatiling nakapiit sina Joel Demate, Mark Ryan Cruz, Jaymie Gregorio at Romina Astudillio dahil sa mga gawa-gawang kaso at pagtatanim ng mga ebidensya ng mga kapulisan, sa partikular ang CIDG.

Ang mga nabanggit ko na mga pangalan ay naging kaisa namin sa mga kampanya para sa mga demokratikong interes at kahinglingan ng mga manggagawa at mamamayan. Kakapit bisig namin sila para sa panawagan para sa ayuda, trabaho, sahod, serbisyo sosyal, atbp.

Imbis na tugunan ng gobyernong Duterte ang mga makatwirang mga panawagan na ito ay dahas at panunupil ang isinagot nito sa mamamayan. Ang pagsupil sa karapatang pantao ay malinaw na isang pambansang patakaran ng gobyernong Duterte, ng AFP-PNP, NTF-ELCAC at ilang piling tiwaling mga hukom sa hudikatura. Ang mga resulta po nito ay kaliwat kanang pagtatanim ng mga ebidensya at gawa-gawang mga kaso. Walang tigil na pagmamanman sa mga progresibong mamamayan at mga aktibista hanggang sa pag-aresto, pagdukot at maging pagpatay.

Hindi nila nakikita na kahit araw-arawin at gawing bisyo na nila ang panggigipit, panghaharass, pag-aresto, pagdukot at pagpatay ay hindi nito mapipigilan ang makabayan at palabang diwa ng mamamayan.

Ang pagyurak sa karapatang pantao ay matagal nang nangyayari kahit sa mga nagdaang rehimen pero natatangi ang rekord, walang kaparis ang lala, brutal ang pagkapasista ng rehimeng Duterte. Nananatili pa sa kulungan ang higit 700 na mga bilanggong pulitikal sa buong bansa—na kung saan aabot sa 500 ang ikinulong sa buong panahon ng termino ni Duterte.

Kaya mga kababayan, mga kasama’t kaibigan,patuloy tayong manindigan makibaka at huwag matakot dahil ang ating mga panawagan ay makatwiran. Hindi ito basta basta ibibigay at kailangang kumilos at makibaka para makamit ito.

Palayain sina Joel Demate, Mark Ryan Cruz, Jaymie Gregorio at Romina Astudillio!

Palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal!

Makibaka para sa demokratikong interes at kagalingan ng mamamayan!

Maraming salamat po!


Dennise Velasco

Former Political Detainee

Camp Bagong Diwa